Hindi ko na alam kung ito’y bulong pa rin ba.
Nawalan na ako ng pandama.
Na ang dating malinaw ay tila nagbago na.
Ang dating halimuyak ng daloy nito ay sapat na para sumaya.
At ang lasang nakasanayan ay tila nanabang na.
Sa lipunang aking kinasasadlakan, isa itong seldang hindi malilimutan. Tumatawa ang imortal. Sa galak nagkakatipon, binubuklod para sa iisang isip, para sa iisang layunin. Tumatawa ang imortal. Sa insidenteng pinangangambahan ng marami ay humahalakhak; mula sa pagkakadurog ng litratong kinupasan ng pumapatak na luha. Abo ng yumaong imahe na dapat sana ay memorya. Nawala ang kahong pinagkakaingatan. Isa, dalawa, tatlo, lahat ay tila nagbago. Hindi ko na alam ang tunay na mundo.
Alingawngaw ng bawat salitang bumabagabag sa aking pagkatao. Kung nasaan man ako sa paglalakbay ko, nawawalan na ng bisa ang lampara ko. Ayaw ko na ng paglalakbay. Ayaw ko na ng kadiliman. Ngunit tila ako’y nilalamon nito. Hindi ko ito malabanan. Nawala na ang pag-ibig dahil sa aking karuwagan. Sumuko na ang mga talang kumislap hanggang sa huling sandali. Hintayin mo ako. Hindi ko na alam kung saan ako tutungo. Nawala na ang mga tala sa himapapawid. Tumigil na ang oras sa de-baterya kong orasan. Ang lamparang hawak ko ay binasag na ng tinig mo. Narito na ako. Narito na ako sa kadilimang sinasabi ko.
Nag-iinit na ang aking pakiramdam. Tila ba pati ang sariling ako ay nilalamon na ng dilim. Teka, alam kong may liwanag. May liwanag na ikinubli ng mundo kong ginawang imperyo. Hawak niya ako. Bawat saglit ay pinangangambahan ko. Kinakabahan—ito ang aking nararamdaman. Nawawala na ang ako. Ang ako ay nawala na. Wala pa akong dinaratnang paraiso. Bawat ngiti ay may katumbas na hinagpis. Sa hapis ng araw, ang dati kong karanasan ay nawala ang silahis ng buwan. Unti-unti ng lumalabas ang mga lobo. Dumadagundong sa bawat sulok ng mundo. Ang pulsong sumasabay na sa bilis ng silakbo ng pusong pawisan.
Naputol na ang palaso. Umiyak na ang payaso. Bumitaw na ang tulay sa magkabilang dulo. Pinutulan na ng pakpak ang bawat kalapating ang hangad ay tumungtong sa himpapawid. Tinanggal na ang entabladong pagtutungtungan ng mga magsisipagtapos. Matatapos na ang istorya ngunit biglang namatay ang bida. Minarkahan na ng dugo ang puting tela ng ikinakasal. Wala na akong bala. Tanggal na ang daliri ng humihiwa. Sinunog na ang bawat pugad na ikinukubli ng mga aninong pangahas. Nanabang na ang dating alat ng pagsasamahan. Nanaig na ang mga tulisan. Wala na. Tapos na.
Binawi na ang dating isinampa. Binawi na ang dating isinumpa. At sa bawat pagpapatunay ng mga pinaniniwalaang teyoryang lumalason sa lupang tinubuan, humahagulgol ang bawat panitikan. Ang mga ngising sila lamang ang nakaiintindi—ito ang kanilang sandata.
Nawalan na ako ng boses. Halimaw na ang tingin ng aking kadugo. Nababakla ang araw sa kakisigan ng kadiliman sa kalawakan at ito ang senyales ng nalalapit na katapusan. Nakasusulasok na ang amoy ng bawat rosas na nagpapatibay sa kanilang imperyo.
Nakararamdam na ako ng lamig. Isa. Dalawa.
Ako’y maglalaho na.

Comments
Post a Comment